Wednesday, September 3, 2008

bakit nakakalungkot ang dapithapon?


hindi ko alam kung ako lang ang nakakaramdam ng ganito pero may kakaibang dala ang dapithapon. parang may binubuhay siyang damdamin na nagmumula sa kaibuturan ng kalooban ko na hindi ko alam kung saan nanggagaling.

kahit mag-isa o kahit may kasama, pag dapithapon na, parang nagbabalik ang mga alala ng nakaraan. nung bata pa ako at naglalaro sa mga bundok ng buhanginan habang tinatawag ng nanay kasi oras na ng pag-uwi. mga panahong tapos na ang klase at oras na ng paglalaro. mga panahong may kahawak-kamay. mga panahong nakikipagkuwentuhan. nung mga panahong parang mas magaang ang buhay... hindi naman sa hindi ako masaya sa aking buhay at kalalagyanan ngayon. pero meron talagang kakaibang dulot ang dapithapon... hayy..

bakit nga kaya? dahil ba nakalipas na naman ang isang maghapon? dahil nalagas na naman ang isang dahon sa puno ng aking buhay? dahil kung ano man ang nagawa at nangyari sa maghapon na ito ay hindi ko na mababago at hindi na mababalikan?

bakit nga kaya?

sigurado ako, sa mga darating na dapithapon, ang maiisip ko naman ay ang mga sandaling na magkasama kami ni aquim. na karga karga ko siya habang nakatayo kami dito sa terasa at dinadama ang samyo ng malamig-mainit na hangin sa aming balat, ang paghihip nito sa aming mga buhok. habang nakatanaw kami sa ulap..at sa papalubog na araw. malamang, ang alaalang ito ay magpapangiti sa akin, balang araw... sa isang dapithapon.


photocredit: taken last february at sofitel


.

1 comment:

Anonymous said...

You know what I think everyone normally feels the same whenever he/she looks at the sunset. By the way thanks for posting this blog. It's exactly what I'm looking for to get some ideas about my homework in Filipino haha. :P